QUEZON, Philippines - Bulagta ang apat na kalalakihan na sinasabing miyembro ng carnapping group matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng Lucena PNP, Quezon PNP, at Regional Special Operations Group sa bahagi ng Diversion Road ng Barangay Ilayang Dupay, Lucena City, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Lt. Col Monico Abanag ng 1st Special Force Battalion ng Phil. Army, kabilang sa mga napatay ay sina John Modesto Decena Salomas, driver, ng #1012 Halang Street, Calamba City, Laguna; Jerwin Ong ng Block 36, Lot 16, Villa de Calamba, Calamba City, Laguna; Jeffrey Rumbao Luna ng Barangay Comentang Ilaya, Batangas City at ang isa na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nabatid kay P/Senior Supt. Valeriano de Leon, lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may papasok na hot car sa bahagi ng Barangay Gulang-gulang kaya mabilis na inilatag ang checkpoint.
Hindi na nagawang parahin ng mga pulis ang kulay pulang Toyota Innova matapos salpukin ang signage sa checkpoint saka pinaharurot ang sasakyan.
Nagmistulang eksena sa pelikula ang senaryo nang makipagpalitan ng putok ang apat na kalalakihan sa mga humahabol na pulis hanggang sa tamaan ang driver at bumangga sa railings ng highway.
Tatlo agad ang namatay habang nadala pa sa Quezon Medical Center ang isa subalit nalagutan rin ito ng hininga.
Narekober sa loob ng sasakyan ang mga baril na Uzi machine pistol, 2 cal.38 revolver, cal. 45 pistol at mga plaka ng sasakyan.
Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na ang Toyota Innova ay may plakang ZCE861 na pag-aari ni Lorna Baking Camarillo ng Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna kung saan kinarnap noong Hunyo 11, 2011 sa Crismor Subd. sa nabanggit na bayan.