9 PNP trainees na-heat stroke
DUMAGUETE CITY, Philippines – Siyam sa 151 PNP trainees na sumasailalim sa 45-araw na Special Counter-Insurgency Operations Unit Training (SCOUT) sa Sta. Catalina, Negros Oriental ang nadale ng heat stroke noong Biyernes sa Camp Herman Carballo sa Nagbagang.
Ayon kay P/Senior Insp. Calacar, ang mga biktima na may ranggong Police Officer 1, nakitaan ng sintomas ng medical emergency matapos mag-jogging ng isang oras sa nasabing kampo.
Kaagad naman naisugod sa Bayawan District Hospital sa Bayawan City ang mga biktima kung saan isa sa kanila ay dinala sa Negros Oriental Provincial Hospital sa Dumaguete City matapos madale ng diarrhea.
Pansamantala namang hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan ng mga biktima para hindi makompromiso ang kanilang training status.
Ang mga biktima ay nakalabas na ng nasabing ospital at nakatakdang ipagpatuloy ang training sa Lunes, ayon kay P/Senior Insp. Dexter Calacar, training manager ng Regional Special Training Unit 7 sa Region 7.
Nakatakda naman magtapos ang mga miyembro ng PNP SCOUT Class 30-12 sa huling linggo ng Mayo 2012. The Freeman News Service
- Latest
- Trending