MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines —Pinaniniwalaang mabubulok na sa bilangguan ang sinasabing lider ng kilabot na carnap group na si Raymond Dominguez matapos na mahatulan ng mababang korte na nabilanggo ng 17 hanggang 30-taon sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Sa 11-pahinang desisyon ni Judge Wilredo Nieves ng Malolos Regional Trial Court Branch 84, napatunayang guilty ang akusadong si Dominguez sa kasong carnapping.
Ibinasura naman ni Judge Nieves ang kasong robbery laban kay Dominguez matapos na hindi ito mapatunayan ng prosekusyon.
Kasunod nito pina-archive naman ni Judge Nieves ang warrant of arrest laban sa dalawang kasabwat ni Dominguez sa kasong carnapping hanggang sa maaresto ang mga ito upang muling buksan ang kaso.
Iaapela naman ng abogado ni Dominguez na si Atty. Jose Cruz sa Court of Appeals and nasabing desisyon ni Judge Nievez.
Umaasa si Cruz na magiging paborable ang magiging tugon sa kanila ng CA dahil ang kasong robbery laban sa kanyang kliyente ay dinismis ng korte.
Ang iba pang kaso ni Dominguez at mga kasabwat nito sa carnapping operations ay nakabinbin pa rin sa iba’t ibang korte sa Bulacan.
Si Dominguez din ang itinuturong utak ng Dominguez carnap group na sinasabing nasa likod ng pagpatay sa anak ni Atty. Oliver Lozano at Emerson Evangelista.
Ang kasong carnapping laban sa grupo ni Dominguez ay nag-ugat matapos karnapin ang SUV ni Dante Escoto sa bayan ng Marilao noong Enero 14, 2010.
Bukod sa SUV, tinangay din ng grupo ang mga alahas, cash, laptop at iba pang gamit ni Escoto.
Samantala, pinuri ng Malacañang ang matapang na desisyon ng hukom matapos nitong hatulan ng 30 taong pagkakakulong ang sinasabing utak ng carnapping syndicate sa Central Luzon at National Capital Region.
Binati din ng Palasyo si Public Prosecutor Maureen Abad Moises dahil sa paghawak nito sa kaso laban kay Dominguez. Dagdag ulat nina Boy Cruz at Rudy Andal