Magkakaibigan niratrat sa inuman

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang magkakaibigang nag-iinuman ng alak matapos pagbabarilin ng kanilang kapitbahay na sinasabing lango sa bawal na droga sa Barangay Mabini sa bayan ng Gamu, Isabela kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Marcos Serio; 23; at ang mag-utol na John Domingo, at Reynante Domingo na kapwa residente rin ng nasabing lugar. Nabatid na binato ng suspect na si Christian John Calpito ang bubungan ng bahay ng pamilya Domingo kung saan doon nag-iinuman ang mga ito. Nang sitahin ng mag-utol na Domingo ang suspek ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan malubhang nasugatan ang tatlo. Tugis naman ng pulisya ang suspek habang ginagamot naman sa ospital ang magkakaibigan.

Show comments