GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines – Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos na aksidenteng mahulog sa nililinisang konkretong bakuran ng bahay ng alkalde ng lungsod kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Albert Lambinicio, may-asawa, stay-in helper sa bahay ni Gapan City Mayor Christian Tinio.
Ayon kay Abe King Chiongson, 22, binata, kasamahang stay-in helper ni Lambinicio, bandang alas-3 ng hapon, naglilinis umano sila sa mataas na konkretong bakuran nang bigla umanong madulas ang biktima at nagdire-diretsong mahulog sa sahig.
Agad namang isinugod sa Good Samaritan Hospital ang biktima na idineklarang dead-on-arrival ng sumuring manggagamot.
Hindi na umano ipasasailalim ng pamilya ng biktima sa autopsy ang labi dahil naniniwala silang walang foul play na naganap sa pagkamatay nito.