Lider ng tribo patay sa ambush, pulis sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang na lider ng tribo at peace mediator habang sugatan naman ang isang police escort nito makaraang tambangan ng pitong pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Cabanglasan, Bukidnon nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Army’s 4th Infantry Division Spokesman Major Eugenio Julio Osias IV, ang nasawing ginang na si Melody Delamansi, isang datu na binansagang “Tagahusay’ o peace mediator ng isang tribo sa lalawigan
Ang nasugatang pulis na tinukoy lamang ni Osias sa apelyidong PO1 Flores ay mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Bandang alas-9:30 ng umaga habang bumabagtas ang behikulong sinasakyan ng ginang at apat nitong mga escort na pulis nang tambangan ng mga armadong rebelde sa Brgy. East Poblacion, Cabanglasan ng lalawigang ito.
Agad na napuruhan sa bugso ng pagpapaputok ng mga suspek ang ginang na siya nitong ikinamatay habang sugatan naman ang isa sa mga pulis. Agad namang gumanti ng putok ang mga kasamahan nito hanggang sa magsitakas ang mga rebelde.
Pinaniniwalaan naman ayon pa kay Osias na ang pagiging anti-communist ng biktima na matagal ng nakakatanggap ng death threat sa NPA ang motibo ng krimen.
- Latest
- Trending