MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng apat na miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang bata habang dalawang iba pa ang grabeng nasugatan makaraang makulong mula sa nasusunog na bahay sa bayan ng Cainta, Rizal kamakalawa.
Sa ulat, kinilala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Benito Ramos ang mga nasawi na sina Gary Nepomuceno, 46; Juliet Nepomuceno, 62; Francine Nepomuceno, 4; at Butchay Nepomuceno, 2.
Samantala, ginagamot naman sa ospital ang mga sugatang sina Mamerta Nepomuceno, 84; at Ligaya Nepomuceno, 58.
Bandang alas-4:17 ng madaling araw nang magsimulang kumalat ang apoy sa tahanan ng mga biktima sa #542 Chapaca Street, Greenland Subdivision, Phase IV, Barangay San Juan.
Nabatid na natutulog ang mga biktima nang maalimpungatan ang mga ito dahil sa matinding init na bumabalot sa kanilang tahanan.
Nabigo namang makalabas ang mga biktima matapos makulong ng apoy habang nagawa namang makatakbo ng dalawang nasugatan.
Naapula ang apoy dakong alas-4:55 ng madaling araw matapos na rumesponde ang mga bumbero.