CARMEN, North Cotabato, Philippines – Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi habang labing anim ang nasugatan makaraang sumabog ang itinanim na bomba sa loob ng pampasaherong bus may 50 metro ang layo mula sa terminal sa Barangay Poblacion sa bayan ng Carmen, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ni North Cotabato PNP director P/Senior Supt. Cornelio Salinas ang mga nasawi na sina Gladzin Himpiso,8, ng Kabacan; Dima Causing, 62; at Rona Mae Causing, 18, ng Bukidnon.
Isinugod naman sa Kabacan Medical Specialist Hospital ang mga nasugatang sina Guirea Danggo, 21; Basilisa Anipot, 45; Marvin Nacicnal, 23; Sonny Balanay, 39; Leo Limciano, 44; Alvin Diaz,19; Lovena Acyo, 46; Lea Fabiona, 52; Analyn Soico ,35; Hara Janine Cosco, 11; Allan Himpiso Sr., 33; Allan Himpiso Jr. 6; Judy Ann Somailon ,9; Smela Luneza, 18; Rosa Delia Garbo, 41 at si Alberto Isidro, 36.
Ayon kay Army’s regional spokesman Col. Leopoldo Galon, taliwas sa unang napaulat na sampu ang nasawi at dalawa lamang ang namatay sa trahedya.
Bandang alas-10:40 ng umaga nang umalingawngaw ang malakas na pagsabog mula sa compartment area sa hulihang bahagi sa kaliwang upuan ng Rural Transit Bus na may body number 2922 at plakang KVS 740.
Sinasabing itinanim ng di-kilalang lalaki ang bomba sa bus matapos sumakay sa bayan ng Kabacan kung saan nagmamadali itong bumaba bago naganap ang pagsabog.
Ang naturang bus na may rutang Tacurong City-Cagayan de Oro City ay nabatid na nakakatanggap ng extortion letter mula sa Alkhobar Gang.
Dalawang anggulo ang sinisilip sa pambobomba, una ay extortion at ikalawa naman ay posibleng alitan sa negosyo.