CAMARINES NORTE, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang pulis-San Juan matapos arestuhin ng kanyang kabaro dahil sa walang habas na pamamaril sa Barangay 8 sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng hapon. Sa ulat ni P/Supt. Allan Ramos, nabatid na si SPO1 Rio Gomez Tuyay ay walang habas na nagpaputok ng 10 beses ng shotgun bandang alas 4:30 ng hapon sa loob ng kanilang bakuran na labis na nakaalarma sa mga kapitbahay. Nagawa pang murahin at lumaban sa mga rumespondeng pulis si Tuyay subalit napilitang sumuko matapos dumating ang hepe ng pulisya. Maliban sa 2-kasong kriminal, nahaharap din sa kasong administratibo si SPO1 Tuyay sa PNP Internal Affairs Service. Nakapagpiyansa naman si Tuyay kaya pansamantalang nakalaya.