MANILA, Philippines - Umaabot sa 22-sundalo ang iniulat na nasugatan kabilang ang pito na nasa kritikal na kalagayan makaraang masabugan ng landmine na itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa kagubatan ng Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Ricardo Visaya, commander ng Army’s 104th Infantry Brigade at Joint Task Force Basilan, naganap ang pagsabog dakong alas-8 ng umaga sa Abong –abong Peak sa Sitio Pansol, Barangay Baywas.
Nabatid na sinusuyod ng combat reconnaissance patrol ng 13th Scout Ranger Company ni Lt. Guerrero ang nasabing kagubatan nang matapakan ng isa sa mga sundalo ang manipis na tali na nakalagay sa patibong na landmine.
Dito na sumabog ang landmine na ikinasugat ng 22 sa mga sundalo kung saan pito sa mga ito ang nagtamo ng grabeng sugat.
Pansamantalang hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng pitong sundalo na malubhang nasugatan hangga’t hindi naipapaabot ang insidente sa kani-kanilang pamilya.
Ang pinangyarihan ng insidente ay malapit sa isa sa pangunahing kampo ng Abu Sayyaf na nakubkob ng militar na ikinasawi ng lima sa mga bandido at isang sundalo habang 20-improvised landmine naman ang nasamsam noong Marso.