Himpilan ng pulisya ni-raid ng NPA
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army ang himpilan ng pulisya at dinukot ang isang pulis sa kanilang pagtakas sa bayan ngTigbao, Zamboanga del Sur noong Lunes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, dakong alas-7 ng gabi nang salakayin ng mga rebelde ang Tigbao Municipal Police Station sa Barangay Poblacion.
Dinisarmahan ng mga rebelde ang mga pulis na nagbabantay sa himpilan kung saan natangay ang isang M16 rifle at dalawang cal. 9mm pistol habang binihag naman sa kanilang pagtakas si PO2 Juhali Faisal.
Ang nasabing presinto sa bayan ng Tigbao ang ikalawang pinakamaliit na himpilan ng pulisya sa Zamboanga del Sur na binubuo ng 23-pulis.
Sa Camp Crame, inianunsyo naman ni Bartolome ang pagsibak sa hepe ng pulisya na si P/Senior Inspector Heins Legaspi at Zamboanga del Sur PNP director P/Senior Supt. Jose Bayani Gucela kaugnay ng posibleng pagkukulang sa seguridad kaya naganap ang pag-atake ng mga rebelde.
Tutungo si Bartolome ngayong Miyerkules sa Zamboanga del Sur upang personal na i-assess ang sitwasyon sa naganap na insidente.
- Latest
- Trending