LOPEZ, Quezon ,Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 11-anyos na batang lalaki matapos gulpihin ng kanyang bayaw kamakalawa ng hapon sa Barangay Talolong, Lopez, Quezon. Bandang alas-3 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Arvy Jhon Filarca na tadtad ng pasa ang iba’t-ibang bahagi ng katawan. Wala rin itong saplot sa katawan nang madiskubre ng kanyang ate na si Arian, 20, ka-live-in ng suspek na si Ronald Marcaida, 30. Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Christian Magilano, napilitang umuwi mula sa pagtatrabaho sa bayan ng Tagkawayan, Quezon si Arian matapos makatanggap ng tawag sa barangay captain kaugnay sa natuklasang bangkay ng kanyang utol. Inamin naman ng suspek sa kanyang live-in na siya ang responsable sa pagkamatay ng biktima at humingi ng kapatawaran subalit hindi nito tinukoy ang motibo sa pamamaslang.