MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng Palawan PNP at Criminal Investigation and Detection Group ang pangunahing suspek sa magkakasunod na pagpapasabog sa El Nido Resort at Puerto Princesa City, Palawan noong Huwebes Santo.
Isa sa suspek ay kinilalang si Jheramae Hassan, na itinuro ng mga Muslim sa Palawan na pinagmulan ng text messages ng pananakot ng pambobomba kabilang ang may-ari ng Royale Transport Bus bago naganap ang insidente.
Nabatid sa ulat ng pulisya na si Jheramae ay sinasabing anak ni Hiya Hassan na kawani sa Palawan Provincial Capitol.
Sa ulat ni P/Inspector Grace Vic Gomba, na bukod kay Hassan ay isinailalim na rin sa tactical interrogation ang isa pang suspek bagaman tumanggi munang tukuyin ang pagkakakilanlan habang patuloy ang imbestigasyon.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na si Hassan din ang nag-text kay Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn at ipinarating na ang pagpapasabog ay bilang ganti sa pagsuporta ng alkalde sa isa pang grupo ng Muslim sa nasabing lungsod.
Magugunita na noong Huwebes Santo ay niyanig ng pagsabog ang Puerto Royal Express Bus Station sa gilid ng gasolinahan sa Barangay San Jose, Puerto Princesa City dakong alas-5:30 ng hapon na ikinasugat nina Marivic Aria, 28; at Cenon Magdayo, 75.