MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nasobrahan sa pag-inom ng alak ang 29-anyos na lalaki kaya sinalubong ni kamatayan matapos lumahok sa beer- drinking contest sa beach resort sa Puerto Galera, Oriental Mindoro kamakalawa ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Chief Insp. D’artagnan Denila Katalbas Jr., na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Niño Maralit, may-asawa, kawani ng Tongshing Electronics Phils, ng #168 Barangay Bigain 1st, San Jose, Batangas.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa Peters Inn Resort and Restaurant sa White Beach sa San Isidro, Puerto Galera, bandang alauna y medya ng madaling-araw.
Lumilitaw na nagpa-contest ng liquor drinking ang tobaco firm sa nasabing resort kung saan kasali ang biktima.
Gayon pa man, sa labis na kalasingan matapos ang drinking contest, sinabihan ang biktima ng kanyang mga kaibigang sina Jayson Telibrico, Guilbert Garcia at Joven Corpuz na magpahinga muna.
Makalipas ang ilang oras, napuna na lang ng mga kaibigan na namumutla na ang biktima sa pagkakatulog.
Kaagad namang ginising ng mga kaibigan pero hindi tumutugon kaya itinakbo na sa Delos Reyes Clinic sa Barangay Balatero subalit hindi na umabot ng buhay.
Inaantay naman ng pulisya ang resulta ng pagsusuri ng ospital upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima habang ang katawan nito ay nasa Last Trip Funeral Service sa Poblacion, Puerto Galera, Oriental Mindoro.