Trader pumalag sa holdap, grinipuhan

MANILA, Philippines - Isang 41-anyos na negosyanteng Bumbay na sinasabing pumalag sa tatlong holdaper ang iniulat na nasu­gatan matapos pagtulungang saksakin sa kahabaan ng highway sa Barangay San Isidro, Pagsanjan, Laguna kamakalawa.

Kinilala ni P/Senior Inspector Henry Villagonzalo Jr., hepe ng Pagsanjan Police ang biktima na si Jasbir Singh ng Barangay Bagumbayan, Sta. Cruz, na nagtamo ng mga saksak sa kanang braso at mga pasa sa katawan matapos gulpihin ng mga holdaper.

Bandang alas-9:30 ng umaga nang harangan ng kawayan ng tatlong kalalakihan ang biktimang nagmomotorsiklo sa highway.

Napilitang huminto ang biktima at dito na lumapit ang mga suspek na agad nagdeklara ng holdap matapos na tutukan ng patalim.

Agad na hinablot ng mga suspek ang clutch bag ng biktima na naglalaman ng P10,000 cash pero nanlaban ito kaya pinagsasaksak kung saan nagawa naman nitong salagin ng kaniyang braso.

Bago tuluyang tumakas ay ginulpe pa ng mga suspek ang biktima saka nagtatakbo na sinamantala ang pagka­kagulo ng mga tao sa lugar.

Sa follow-up operations ng pulisya ay nasakote naman ang dalawang holdaper na kinilalang sina Ronnie Fernandez at JC Pena na kapwa positibong kinilala ng biktima habang pinaghahanap ang isa pa na tinukoy naman sa alyas Randy.

Show comments