MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng highway sa bayan ng Ramon, Isabela noong Huwebes Santo, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Chris Ivan Gorospe, 18; Gaudencio del Rosario, 64; at si Jessie Reyes, 20.
Patuloy namang nakikipaglaban kay kamatayan ang isa pang biktimang si Christian del Rosario, 20.
Sa ulat ni SPO2 Oscar Valero na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna sa Barangay General Aguinaldo bandang alas-2:30 ng hapon.
Lumilitaw na kalalagpas pa lamang sa checkpoint ng dalawang motorsiklo na isa rito ay Suzuki (3409-BQ) at Honda TMX (1164-BQ) nang magsalpukan sa pakurbadang highway kung saan sumalpok pa sa concrete barrier.
Lumilitaw pa na pawang nakainom ng alak ang mga biktima kaya naman sinalubong ni kamatayan habang patuloy naman ang imbestigasyon.