MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng matandang babae at dalawa nitong apo matapos makulong sa nasusunog na bahay sa bayan ng San Mateo, Rizal noong Huwebes Santo ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Esperanza Gaboa-Bolanos,75; James Bolanos,12; at Ian Marko Bolanos,10, pawang mga nakatira sa #25 Wallastic Street sa Clemente Compound, Dulong Bayan 1 sa nasabing lugar.
Naganap ang sunog dakong alas-2:20 ng madaling araw sa tahanan kung saan tumagal ng 1-oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang apoy ganap na alas-3:45 ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat, lumilitaw na naiwang de-uling na kalan sa kusina sa bahay ng mga biktima nagmula ang apoy at kumalat sa buong kabahayan.
Bukod sa bahay ng mga biktima ay nadamay ang limang pang kalapit-bahay na pawang gawa sa light material.
Tinatayang aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.