NUEVA ECIJA, Philippines – Maagang sinalubong ni kamatayan ang 12-anyos na batang lalaki matapos malunod sa Pampanga-Bongabon River sa Boy Scout Area, Barangay Caimito sa Palayan City, Nueva Ecija, noong Martes ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. Roberto Aliggayu, Nueva Ecija PNP director, ang biktima na si Jay-Ar Mizona y Canlas ng Barangay Bantug, Grade 5 pupil sa Cabanatuan City East Central School. Lumilitaw na mag-isang naligo sa nasabing ilog ang biktima matapos bumisita sa kanyang kamag-anak sa bayan ng General Natividad kasama ang kanyang pamilya. Kahapon ng umaga lamang natagpuan ang bangkay ng biktima na lumutang sa nasabing ilog.