MANILA, Philippines - Naalarma ang mga residente matapos ang tumagas ang tone-tonedang gasolina mula sa depot ng Petron kung saan dumaloy sa mga kanal sa bayan ng Tagaloan, Misamis Oriental kamakalawa.
Base sa ulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, naitala ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw matapos tumapon ang 5-dram ng gasolina ng nabanggit na kompanya malapit sa may mangrove area ng Barangay Casinglot.
Bunga ng insidente ay agad na ipinasara ang valve sa oil depot ng Petron upang mapigilan ang disgrasya at paglaki ng pinsala.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard kung saan nagsagawa ng cleanup operations hanggang alas-2:45 ng hapon.
Samantala, pansamantalang binawalan ang mga residente na magbukas ng tangke liquified petroleum gas (LPG) at iba pa para maiwasan ang biglang pagsiklab ng apoy.
Iniulat pa ng NDRRMC na inisyuhan ng inspection–apprehension report ang Petron dahil sa kabiguang ipagbigay-alam sa pamunuan ng Phil. Coast Guard ang insidente at binigyan ng 10-araw na palugit para magpaliwanag.