8 Koreanong sangkot sa dog fighting, ipapa-deport
MANILA, Philippines - Hiniling ng mga opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang tulong ng Bureau of Immigration and Deportation upang ipa-deport ang walong Koreano na sangkot sa illegal na dog fighting arena sa Purok 3, mga Barangay San Gregorio at Brgy. Calauan sa San Pablo City sa Laguna noong nakalipas na linggo.
Ayon kay PNP CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr. , ito’y matapos na masampahan na ng reklamo ang mga suspek sa prosecutor’s office ng Laguna.
Samantalang maghahain rin sila ng pormal na request sa korte upang mag-isyu ng hold departure order laban sa mga suspek na sina Lee Gwi Woo, 21; Jeong Yeon Hwal, 31; Noh Min Chul, 44; Lee Kyung Won, 31; Kim Young Hwan, 29; Hyun Ho Han, 45; Hong Jeong Oh, 43 at si Kim Do Kyung, 41; upang maiwasan na makatakas habang nililitis.
“Kapag napagsilbihan na ng mga suspek na Koreano ang kanilang kaparusahan na makulong ay dapat ipatupad ang agarang deportasyon laban sa mga ito,” pahayag ni Pagdilao.
Nabigo naman ang mga Koreano na magsumite ng travel documents ng isailalim sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Bukod kay Hong Jeong Oh at Kim Do Kyung lahat ng suspek ay unang nasakote ng CIDG operatives matapos salakayin ang pittbull arena sa bayan ng Indang, Cavite noong Disyembre 2011.
- Latest
- Trending