TUGUEGARAO CITY, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang limang kalalakihan na sinasabing mga pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa 29-anyos na binatang nurse sa Barangay Batal, Santiago City, Isabela.
Pormal na kinasuhan ng robbery with homicide at carnapping ang mga suspek na sina Chris Gaffud, 31; Ronald Morales, 40; Julius Mendez, 42, na pawang nakatira sa Metroville Subdivision, Barangay Rosario, Santiago City; at ang magpinsang sina Armand Alvarez, 31, at Vincent Alvarez, 31, kapwa nakatira naman sa Barangay Plaridel, Santiago City.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Cleto Atluna, hepe ng City Police Station 1, ang mga suspek ay nanloob sa bahay ng biktimang si James Henry Talampas sa bayan ng Echague, Isabela noong Martes ng Marso 27.
Nanlaban ang biktima nang madatnan niyang naghahalughog ang mga suspek pagdating nito sa kanyang bahay dakong alauna ng madaling araw.
Bunga nito, pinagtulungang pagtatagain ng mga suspek ang biktima hanggang sa matadtad ang mukha at katawan nito. Napag-alaman din na itinakas ng mga suspek ang Toyota Altis ng biktima patungong Maynila.
Nang masakote ang tatlong suspek sa Santiago City ay ikinanta nito ang
magpinsa Alvarez na kasama nila sa krimen hanggang sa masakote matapos magpaiwan sa Pasay City.