MANILA, Philippines - Maagang sinalubong ni kamatayan ang dalawang doktor matapos bumangga ang sinasakyan nilang van sa nakaparadang trak sa gilid ng national highway sa Sta. Rosa City, Laguna noong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ni PO2 Romeo Contreras ng Sta Rosa Balibago Police Community Precinct na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga nasawi na sina Maria Elizabeth Mendoza, 35, physician at nakatira sa Brookside Hills, Cainta, Rizal; at Yemen Cadatuan, 38, surgeon at residente sa Bagong Barrio sa Caloocan City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa dakong alas-3:45 ng madaling-araw noong Sabado habang lulan ng Toyota Hi-Ace van ang dalawang doktor.
Sinasabing patungong Maynila ang mga biktima nang sumalpok ito sa hulihang bahagi ng trak na nakaparada dahil nagpapalit ng gulong sa bahagi ng Barangay Macabling sa nasabing lungsod.
Nabatid sa ulat ng pulisya na habang kinukumpuni ang gulong ng trak ay may inilatag na warning device sa kalsada ang driver pero hindi napansin ng driver ng van na si Cadatuan.
Naisugod pa sa ospital ang dalawa subalit ilang oras ang nakalipas ay namatay din dahil sa matinding sugat sa ulo at ibang bahagi ng katawan.
Ang truck driver na si Geneboy Bartolome ay nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in damage to property at double homicide. Subalit hindi naman kinasuhan ng mga kamag-anak ng mga biktima ang driber ng trak dahil batid na nilang walang pagkakasala ito.