Tourist cruise ship nagliyab sa dagat
MANILA, Philippines - Limang tripulante ang dumanas ng smoke inhalation, isa ang malubhang nasugatan habang 600 turistang Kano at European ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard matapos magliyab ang tourist vessel na karagatan sakop ng Tubbataha Reefs sa Palawan, kahapon ng Sabado ng umaga.
Ayon kay Naval Forces West Chief Commander Joseph Rostum Pena, kontrolado na ang sunog ilang oras matapos ang insidente at nasa maayos ng kalagayan ang mga biktima.
Base sa ulat, mabilis na rumesponde ang pangkat ng Philippine Navy at Phil. Coast Guard-Palawan matapos na makatanggap ng distress call dakong alas-7:15 ng umaga kaugnay sa nasusunog na Malta passenger cruise ship na sinasabing naglalayag mula sa Singapore patungo sa Indonesia.
Nabatid na pinagtulungan ng 121 tripulante na pawang Pinoy na maapula ang apoy kaya hindi nakapinsala sa mga turista.
Tumulong din ang 570th Composite Air Wing ng Philippine Air Force sa search and rescue operation sa bahagi ng Mapun Island upang mapabilis ang search and rescue operation.
Sa website naman ng Malta, sinabi ni Larry Pimentel, President at Chief Executive Officer ng cruise ship, 5-tripulanteng Pinoy ang dumanas ng smoke inhalation habang isa naman ang malubhang nasugatan na kinailangang isugod sa ospital.
Batay sa report, dakong alas-8:19 ng gabi noong Biyernes (Caribbean time), alas -7 ng umaga sa Pilipinas habang naglalayag ang 30,000 gross ton cruise ship sa hilagang silangan ng Malaysia nang magliyab ang engine room nito kaya kumalat ang apoy.
Nabatid na ang Malta cruise ship ay maglalayag sana ng 17 gabi mula sa Hong Kong noong Lunes, nag port calls sa Manila noong Marso 29 at nakatakda rin sanang mag-cruise sa Benoa Bali, Semarang at Komodo, Indonesia.
- Latest
- Trending