Encounter: sundalo tumba, 3 pa sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang sundalo habang 3 pa ang nasugatan matapos makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang hindi pa madeterminang bilang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa magkakahiwalay na lugar sa Magpet, North Cotabato at Barobo, Surigao del Sur, ayon sa militar kahapon.
Sinabi ni AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Col. Leopoldo Galon dakong alas- 11:45 ng tanghali kamakalawa ng masabat ng Alpha Company ng Army’s 57th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga rebelde sa pamumuno ng isang alyas Ka Totoy Dako.
Sinabi ni Galon na kasalukuyang nagsasagawa ang tropa ng mga sundalo ng security patrol operations ng makasagupa ang mga rebelde na ikinasawi ng isang sundalo na hindi muna nito tinukoy ang pagkakakilanlan habang nagsiatras naman ang mga kalaban matapos ang mahigit isang oras na putukan.
Samantala, iniulat naman ni Army’s 4th Infantry Division Spokesman Major Eugenio Julio Osias IV ang pagkasugat ng dalawang sundalo at isang pulis sa engkuwentro sa Sitio Sinai, Brgy. Tambis, Barobo, Surigao del Sur kamakalawa dakong alas-12:21 ng hapon.
Ayon sa opisyal, isinugod na sa pagamutan ang mga sugatang biktima na tinukoy lamang nitong sina Pfc Calabroso, Pfc Bautista at PO1 Cubillan habang pagkaraan ng 43 minuto ay nagsitakas naman ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig.
- Latest
- Trending