Reporter pumalag sa 4 holdaper, utas
RIZAL, Philippines – Dahilan sa pagtulog sa gilid ng kalsada, nasawi ang isang tabloid reporter makaraang pagsasaksakin ng apat na holdaper nang pumalag sa mga kawatan na kumukulimbat sa mga gamit nito sa Antipolo City kahapon ng madaling araw.
Ilang tama ng saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Edwin ‘Ed’ Perez, 55, reporter ng tabloid na Peoples Balita, at residente ng Tanza 2, Barangay San Jose, Antipolo City.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang mga ‘di kilalang holdaper na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa paradahan ng mga tricycle sa Sitio Maagay 1, Barangay Inarawan sa Antipolo City.
Nabatid na dumalo sa isang pagtitipon ang biktima at papauwi na sana sa kanilang tahanan lulan ng kaniyang motorsiklo nang abutin ito ng matinding antok at naisipang umidlip muna sa terminal ng mga tricycle sa naturang lugar.
Ilang saglit pa matapos maidlip ang biktima ay naalimpungatan ito nang maramdamang may kumakapkap sa kaniyang bulsa at kinukuha ang kaniyang pera kaya nanlaban ito bunsod upang pagsasaksakin ng mga kawatan.
Samantala, nagtungo kahapon sina NPC President Jerry Yap at Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (AFIMA) President Benny Antiporda sa bahay ni Perez at pinagkaloob sa naulila nitong pamilya ang P15,000 tulong pinansyal.
Sinabi ni Yap na aalamin nila kung ilan pa ang mga nag aaral na anak ni Perez para maisama sa scholarship program ng NPC at AFIM para mapagkalooban ng P5,000 pondo kada pasukan.
- Latest
- Trending