Lider ng simbahan itinumba

TUGUEGARAO CITY, Philippines  - Wala nang amang magsasabit ng medalya sa dalawang anak na magtatapos sa elementarya at sekondarya makaraang ratratin at mapatay ng riding-in-tandem ang 48-anyos na ama sa Barangay Burgos sa bayan ng Ramos, Isabela kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang napuruhan sa ulo na si Eliseo Eugenio, lider ng simbahan at negosyante sa nasabing barangay. Lumilitaw na pauwi na ang biktimang nagmomotorsiklo nang ratratin pagsapit sa nabanggit na barangay. Dalawang anak nito ang magtatapos ng kanilang pag-aaral sa high school at elementarya, ayon sa kapatid ng biktima na si Ferdie Eugenio. Blanko pa rin ang pulisya sa pamunuan ni P/Chief Insp. Vicente Blancad kaugnay sa motibo ng pagpatay.

Show comments