Van bumaliktad sa NLEx: 3 utas, 17 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi habang 17 iba pa ang nasugatan makaraang bumaliktad ang van na pag-aari ng gobyerno sa kahabaan ng Northern Luzon Expressway sa bayan ng Mexico, Pampanga kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Nelia Bacugan, Fidela Robinson at Diosdado Basuel, habang ang mga sugatan naman ay naisugod sa ospital.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-11:35 ng gabi nang bumaliktad ang van (SKE112) ni Romeo Palalon sa kahabaan ng KM Post 77 + 200 Southbound ng NLEx sa Barangay Suclaban, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na ang government vehicle ay mula sa pagsisimba sa bayan ng Manaoag, Pangasinan na bahagi ng panata ng mga biktima sa nalalapit na Semana Santa.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kung saan binangga ang mga nakabalandrang culvert sa NLEx bago sumunod na sinalpok ang punungkahoy.
Sa rekord ng Land Transportation Office, ang berdeng mica metallic na Toyota Hi Ace commuter van ay nakarehistro sa Barangay. 171, Zone 15, District 1, Bagumbong, Caloocan City.
Isinailalim na sa kustodya ng Mexico PNP ang driver ng van habang patuloy ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending