MANILA, Philippines - Tatlong hepe ng pulisya sa Camarines Sur ang sinibak sa puwesto dahil sa kabiguang masugpo ang pamamayagpag ng jueteng sa kanilang nasasakupan.
Ipinag-utos ni DILG Sec. Jesse Robredo kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagsibak kina P/Chief Inspector Benjamin Espana, hepe sa bayan ng Calabanga; P/Senior Inspector Victor Azuela sa bayan ng Bato at ang hepe ng Pili na si P/Chief Inspector Ely Compuesto.
Ayon kay Robredo, ang pagsibak sa tatlo ay alinsunod sa ‘one strike policy’ kontra jueteng na nauna nang tiniyak ni Bartolome sa pag-upo nito sa puwesto noong Setyembre 2011. Nabatid na nasibak ang nasabing mga opisyal limang araw matapos magsagawa ng raid sa kanilang mga hurisdiksyon ang mga operatiba ng DILG Office ng Internal Security (OIS) na nagresulta sa pagkakaaresto sa 51 jueteng bet collectors.