BULACAN, Philippines — Ipinagbawal na ang pagbebenta at paggamit ng plastic bag sa Bulacan.
Ito ang nilalaman ng Panglalawigang Ordinansa # 2012-09 na nilagdaan ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Lunes.
Nakasaad sa ordinansa ang pagbabawal ng paggamit ng non-biodegradable plastic bags, Styrofoam at mga kauri nito bilang mga packaging materials, bukod sa multang P5,000 o pagkakabilanggo ng isang taon sa sinumang lalabag.
Binigyang diin ng gobernador na ang ordinansa ay agad na ipatutupad matapos mapagtibay ang implementing rules and regulations nito.
Ang ordinansa ay pinagtibay ng Sangguniang Panglalawigan halos anim na buwan matapos lumiham si Alvarado upang lumikha ng batas na nagbabawal ng paggamit ng mga plastic bag sa mga palengke.
Ngunit ang liham ni Alvarado ay pinalawak ng Sanggunian upang ang batas ay maipatupad sa 569 barangay sa nabanggit na lalawigan.
Kaugnay nito, ipinatutupad na ng SM Supermalls sa Baliuag at Marilao ang no plastic policy noong Marso 15.