BATANGAS, Philippines – Masaklap na kamatayan ang sinapit ng 32- anyos na sales manager ng isang telecommunication company matapos malunod habang nag-i-scuba diving sa karagatang sakop ng bayan ng Mabini, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Insp. Elpidio Duenas, Batangas PNP Public Information Officer ang biktimang si Myla Rose Cruz, ng #14-A Fonte Salcedo, Baleros Street sa Makati City.
Ayon sa police report, nagpasyang mag-scuba dive si Cruz kasama ang kanyang nobyong si Lauro Vives at isa pang diving guide sa bahagi ng Koala Dive Site sa Barangay Bagalangit bandang alas-12:30 ng tanghali nang maglaho ang biktima.
Bandang alas-4 ng hapon nang marekober ang bangkay ni Cruz ilang metro ang layo sa dalampasigan.
Sa impormasyong nakalap ng Pilipino Star NGAYON sa mga kapwa nila diver, nagpasyang lumutang si Vives nang makaramdam ito ng pagkahilo sa ilalim ng dagat, kung saan naiwan ang kanyang diving buddy na si Cruz. Sina Cruz at Vives ay sinasabing kapwa certified advanced open water divers.
“Base sa aming pakikipanayam sa mga professional diver, hindi dapat iniwan ni Vives ang kanyang diving buddy na nag-iisa sa ilalim ng dagat,” pahayag naman ni P/Inspector Florentino Buenafe, deputy police chief ng Mabini PNP. Gayon pa man, isinasantabi ng pulisya na may naganap na foul-play sa naganap na insidente.
Samantala, magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine Commission on Sports Scuba Diving (PCSSD) para malaman ang iba pang detalye.
Ayon sa isang miyembro ng PCSSD – “hindi dapat iniwan ni Vives ang kanyang nobya na nag-iisa sa ilalim ng dagat batay na rin sa international ruling ng mga diver o ‘di kaya dapat sumama na paahon si Cruz nung nagdesisyong umahon na ang kanyang boyfriend.”
Ang Koala Dive Site ay paborito ng mga divers sa Batangas dahil isa ito sa pinakaligtas na languyin ng mga baguhang divers.