Ex-boxing champ tiklo sa holdap

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga awtoridad si ex- WBA welterweight titlist William “The Black Mamba“ Magahin matapos itong masangkot sa panghoholdap sa pasahero ng jeepney sa Buntatala Bridge, Jaro District , Iloilo City kahapon ng madaling araw. Sa ulat ni P/Senior Supt. Gil Blando Lebin na nakarating sa Camp Crame, bukod kay Magahin, 43, ng Barrio Obrero, Lapuz, Iloilo ay nasakote rin ang kasamahan nitong holdaper na si Jonathan Edrosolano, 31. Bandang alas-3 ng madaling araw nang holdapin nina Edrosolano at Magahin ang biktimang si Rosalinda Barona ng Villa Felisa, Leganes. Nasakote naman ng pulisya ang mga suspek matapos na tumakbo sa nasabing bayan na katabi lamang ng Iloilo City. Samantala, inamin naman ni Edrosolano sa pulisya na kasabwat niya si Magahin kasama na ang driver ng sasakyan sa panghoholdap sa biktima na natunugan nilang may bitibit na pera patungong Maynila para magpagamot.Itinanggi naman ni Magahin na kasabwat siya ng holdaper. Gayon pa man, noong Abril 2005 ay nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa Quiapo, Maynila si Magahin matapos na mangholdap sa pampasaherong jeepney.

Show comments