Barangay chairman itinumba
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napaslang ang 40-anyos na barangay chairman makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Barangay Cabarian, Ligao City, Albay. Hindi na umabot pa ng buhay sa Pioduran Emergency Hospital ang biktimang si Chairman Danilo Satona. Ayon kay P/Supt. Renato Bataller, naganap ang pamamaslang dakong alas-8 ng gabi habang nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang bahay. Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kaugnayan sa alitan sa lupa at ang pag-aresto ng biktima laban sa dating Cafgu na may bitbit na baril sa Purok 5 noong nakalipas na linggo.
- Latest
- Trending