BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinasabing nangingikil ng malaking halaga sa may-ari ng pabrika ng taho sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Marilao, Bulacan kahapon.
Kinilala ni P/Supt. Gerardo Andaya ang mga suspek na sina Ernie Cruz ng Brgy. Tugatog, Malabon City; Cenon Robles ng San Mateo, Rizal; Rodelio Nolasco ng Brgy. San Pascual, Obando; Julius Valero ng PNR Compound, Samson Road, Caloocan City; Ferdinand Payumo ng Silverio Compound, Sucat, Parañaque City; at si Josefino Seña ng Brgy. Panghulo, Malabon City.
Base sa ulat ng pulisya, lumilitaw na nagsadya ang mga suspek sa kompanyang pag-aari ni Helen Ho sa Barangay Sta. Rosa 1 kung saan sinasabing tinatakot ang babaeng katiwala ni Ho dahil walang maipakitang Environmental Compliance Certificate.
Dahil sa takot na maipasara ang kompanya ay nakipagkasundo ang katiwala sa P.1 milyong hinihingi ng mga suspek.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakipag-ugnayan ang katiwala sa mga operatiba ng pulisya kung saan ikinasa ang entrapment operation.
Naaresto ang mga suspek sa aktong tinatanggap ang inisyal na kabayarang P8,000 kung saan kinumpiska rin ng pulisya ang Mitsubishi Adventure (ZMJ887) na ginamit ng mga suspek sa kanilang modus operandi.