Mag-asawa ninakawan, pinatay

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harapan ng kanilang dalawang anak ang mag-asawa matapos na pagnakawan sa Barangay Lapaz sa bayan ng Villasis, Pa­ngasinan  noong Huwebes ng umaga. Sa phone interview, kinilala ni P/Chief Inspector Marcos Anod, hepe ng Villasis PNP ang napaslang na mag-asawang Jose Loquiao, 52; at Herminia Loquiao, 48, kapwa nakatira sa Brgy. Mabanogbog, Urdaneta City. Ayon kay Anod, ligtas naman ang dalawang anak ng mag-asawa na isang 5-anyos at isang 3-buwang gulang na sanggol.Nabatid na nagtungo sa nasabing lugar ang mag-asawa kung saan ay kinuha ang P9,000 cash mula sa kanilang kamag-anak. Pauwi na ang mag-asawa lulan ng traysikel nang harangin ng riding-in-tandem kung saan pinababa saka pinagbabaril sa harapan ng dalawang anak kung saan nag-iiyak sa matinding takot.Sinisilip ng pulisya ang anggulong pagnanakaw at onsehan sa bawal na droga sa ilang motibo ng pamamaslang sa mag-asawa.

Show comments