MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 28- katao ang iniulat na nasugatan matapos bumaliktad ang pampasaherong bus na sinasabing nasalpok ng dump truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay Mainit, Naga City sa Cebu kamakalawa ng umaga. Naisugod naman sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang mga sugatang pasahero ng Calvo Bus matapos ang sakuna bandang alas-8 ng umaga. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na patungong Toledo City ang bus nang mag-overtake ito sa sinusundang dump truck subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasalpok naman ng isa pang truck. Sa lakas ng pagkakabangga ay bumaliktad ang bus na ikinasugat ng mga pasaherong sakay nito. Tumakas naman ang driver ng bus na nakilala lamang sa alyas Marcial bago pa man maaresto ng pulisya habang ang driver ng dump truck ay isinailalim na sa kustodya ng pulisya.