CAMARINES NORTE, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 47-anyos na ex-municipal councilor matapos madakma ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang councilor sa kasong extortion laban sa isang public school teacher sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Pinangunahan ni P/Chief. Insp. Nico Fuentes, hepe ng CIDG chief sa Camarines Norte ang inilatag na entrapment operation laban sa suspek na si ex-Councilor Andres “kadi” Mago ng Barangay Anahaw, Labo, Camarines Norte.
Lumilitaw na nagpanggap na abogado ang suspek at hinihingan ng malaking halaga ang biktimang itinago sa pangalang Pablito upang ayusin ang kanyang kasong kinasasangkutan.
Nabatid na nagbigay ng P20,000 ang biktima sa suspek subalit muli na namang humihingi ng karagdagang pera hanggang sa magkasundo na magbibigay muli ng P50,000.
Dito na nadakma ang suspek sa isinagawang entrapment operation matapos magreklamo ang biktima.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ng suspek ang akusasyon ng biktima.