MANILA, Philippines - Isa na namang kumander ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na operasyon sa bayan ng Jolo, Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Sumasailalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Jeri Jeheron na gumagamit ng alyas Black Tungkang na matagal ng tugis ng batas kaugnay ng pagkakasangkot sa kidnapping for ransom, ambuscades at pambobomba sa Western Mindanao.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Pasig Regional Trial Court Branch 162 kaugnay ng kidnapping-for-ransom kasama ang mga lider ng Abu Sayyaf na sina Commander Radulan Sahiron at Isnilon Hapilon.
Sinasabing ang suspek na may patong sa ulo na P3.3 milyon ay nadakma habang nagsasagawa ng surveillance operation laban sa negosyanteng Tsino na planong dukutin nang matiyempuhan ng mga awtoridad sa pantalan ng Jolo.