STA. ROSA, Nueva Ecija, Philippines – Napatay ang 23-anyos na dalaga matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Gomez sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo si Liza Bartolata, trabahador sa Jaycee Candy Factor at nakatira sa Sitio Tramo, Barangay Del Pilar. Bago mamatay ang biktima ay nasambit pa nito sa kaibigan ang pagkakakilanlan ng isa sa suspek si Narcing de Guzman ng Barangay Isla. Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-8 ng gabi, pauwi na ang biktima at kasamahan nito na si Araceli Angeles, 24, nang makasalubong ang mga suspek na lulan ng motorsiklo. Nang lumagpas sa kanila ang mga suspek ay biglang bumalik saka pinagbabaril ang biktima.