MANILA, Philippines - Dahil sa matinding pagtatalo ay nabaril at napatay ang 26-anyos na misis ng kanyang selosong mister sa Sipalay City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang napatay na biktima na si Rosalinda Hepanaga habang arestado naman ang mister nitong si Dante Hepanaga.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa dakong alas-11:30 ng gabi.
Nagkainitan ang mag-asawa hanggang sa magpantig ang tenga ng mister kung saan naiputok ang shotgun na sumapul sa tiyan ng kaniyang misis.
Sinasabing nagseselos ang mister sa kaniyang misis na hinihinala nitong may pinagpapagandahang ibang lalaki.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang biktima subalit idineklarang patay.