MANILA, Philippines - Asal barbaro!
Ito ang paglalarawan kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamaslang ng mga rebeldeng New People’s Army sa negosyanteng Filipino-Swedish na si Patrick Wineger sa Kidapawan City, North Cotabato noong Miyerkules (Marso 7).
Sinabi kahapon ni AFP Civil Relations Service Chief Brig Gen. Rolando Tenefrancia, ang pag-amin ng mga rebelde sa brutal na pagpatay kay Wineger ay patunay na walang pagpapahalaga sa buhay ang NPA.
“This is a clear violation of human rights. Moreover, what the NPA did shows that they are judge and executioner rolled into one. Indeed they practice ‘kangaroo court’ a barbaric act,” ani Tenefrancia.
Sinabi ni Tenefrancia na dapat tigilan na ng NPA ang karahasan para sa ikasusulong ng kapayapaan sa bansa. Sa tala ng pulisya, si Wineger, 47, nakatira sa bayan ng Makilala, North Cotabato ay niratrat habang namimili ng gulay sa talipapa.
Nagmamay-ari ng rubber plantation si Wineger kung saan aktibo sa pakikiisa sa peace campaign ng tropa ng militar. Naghihinala naman ang militar na extortion ang pangunahing motibo ng pamamaslang sa biktima.