MANILA, Philippines - Isang sibilyan ang iniulat na nasugatan matapos ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army ang himpilan ng Community Police Assistance Center sa Barangay Taysan sa Legazpi City, Albay noong Biyernes ng gabi. Naganap ang pangha-harass ng mga rebelde sa nasabing unit ng pulisya bandang alas- 8:45 ng gabi kung saan nasugatan si Annabelle Gapos. Sa ulat ni P/Supt. Oscar Regala, hepe ng pulisya sa Legazpi City, tinamaan ng ligaw na bala si Gapos na naninirahan malapit sa nasabing presinto. Naitaboy naman ang mga rebelde matapos makipagbarilan ng mga pulis na nagbabantay. Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng pulisya kung saan nabigo ang mga rebelde na mapasok ang nasabing himpilan.