MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalunod na ang tatlong kalalakihan na napaulat na nawawala matapos na mag-dive ang sinasakyang truck sa ilog sa Tuguegarao City, Cagayan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nawawalang biktima na sina Arnold Desiar, Jay-Ar Lacsina at isang tinukoy lamang sa alyas Mayo.
Lumilitaw na bumabagtas sa tulay ng Pinacanauan River ang Isuzu Elf truck (WST 172) ni Ismael Soriano nang maganap ang trahedya.
Nabatid na umapaw ang tubig sa ilog kaya nahulog ang trak at tuluyang tangayin ng malakas na agos.
Nagawa namang makaligtas ng driver at ng isa sa mga pasahero nitong si Alejandro Agdepa pero nilamon ng tubig ang tatlo.
Ang truck ay mula sa Maynila at patungo sana sa Tuguegarao City para mag-deliver ng safety vault sa sangay ng Pag-ibig nang makasalubong ang trahedya bandang alas-4 ng madaling-araw.