Suspek sa UPLB student slay, tiklo
MANILA, Philippines - Hawak na ngayon ng pulisya ang isa sa tatlong suspek sa panghoholdap at pagpatay sa estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB) noong Marso 4 sa tapat ng campus ng unibersidad sa Laguna.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Gilbert Cruz, Laguna PNP director, sumigla ang kaso matapos masakote sa follow-up operation ang suspek na si Joseph “Zeppo” Beltran.
Si Beltran ang lookout ng dalawa pang suspek na sina Carl Dactil de Guzman, 26; Tyrrone Kennedy Terbio sa brutal na krimen kung saan natukoy base sa deskripsyon ng mga testigo.
Bukod dito, ang mga suspek ay nakunan ng CCTV camera na magkaangkas sa motorsiklo palayo sa crime scene matapos saksakin ang Agriculture student na si Ray Bernard Reyes Peñaranda sa harapan ng campus ng UPLB.
Samantala, binuo rin ang Task Force Ray at nagpalabas ng P250,000 reward ang lokal na pamahalaan at pulisya para mapadali ang pag-aresto sa dalawa pang suspek.
Nauna na ring binalasa ang Los Baños PNP matapos sibakin ang hepe at ang 50 tauhan nito dahil sa serye ng kontrobersyal na magkakasunod na krimen.
- Latest
- Trending