MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganin ang alkalde sa bayan ng Capalonga matapos na walang habas na magpaputok ng baril sa harapan ng himpilan ng pulisya sa lalawigan ng Camarines Norte kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Joselito T. Esquivel Jr, PNP provincial director na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang opisyal na sina Capalonga Mayor Senandro M. Jalgalado.
Sa pahayag ni PNP spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-2:15 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Barangay Poblacion 1 kung saan isinabay ang pagpapaputok ng baril sa fireworks sa ginanap na coronation night.
Nabatid na inutusan ng nasabing alkalde ang hepe ng pulisya na si P/Senior Insp. Rodel Pili na magdala ng ilang pulis sa bahay ng opisyal subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi agad nakapagpadala.
Sinasabing nagalit si Mayor Jalgalado kung saan limang beses na nagpaputok ng baril bandang alas-11:50 ng gabi.
Wala namang nasugatan sa nasabing pamamaril kung saan mabilis na umalis ang nasabing alkalde matapos ang insidente.
Sinabi ni Cruz na pinaiimbestigahan na niya kay P/Senior Supt. Esquivel ang kontrobersyal na pamamaril ng alkalde.
Samantala, inihahanda na rin ang kasong kriminal at administratibo laban sa halal na opisyal. Francis Elevado at Joy Cantos