MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nakonsensya kaya sumuko na kahapon sa himpilan ng Laguna Provincial Police Office ang dalawang pulis na isinangkot sa kasong pagdukot at pagpatay sa misis ng negosyanteng Tsinoy na narekober ang naagnas na bangkay sa bayan ng San Pedro noong Pebrero 2012.
Kinilala ni Laguna PPO Director P/Senior Supt. Gilbert Cruz ang mga suspek na sina PO1 Otelio Santos Jr. at PO1 Jifford Signap.
Ang dalawa ay ikinanta ng pangunahing suspek na dating pulis na si Reginald Santiago na isa sa mga suspek na nasakote sa brutal na pagpatay kay Leah Angeles Ng na executive officer ng mall sa Cebu City.
Ang bangkay ni Ng ay narekober sa oil bunker sa abandonadong bodega sa San Pedro noong Pebrero 23 kung saan dinukot noong Enero 20 sa Quezon City.
Bukod sa dalawang pulis ay itinuro namang utak si dating National Capital Region Police Office spokesman Col. Rommel Miranda na nakatalaga sa Police Regional Office 7 sa Cebu City.
Una nang itinanggi ni Miranda ang akusasyon at sinabing may nais lamang sumira sa kaniyang kredibilidad.
Sinasabing nabigo ang pamilya ng biktima na magbayad ng ransom sa mga kidnaper kaya pinaslang ito.