UPLB Stude todas sa holdaper
MANILA, Philippines - Napaslang ang 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB) matapos saksakin ng isa sa dalawang holdaper malapit sa gate ng nasabing pamantasan kahapon ng madaling-araw.
Napuruhan sa dibdib at idineklarang patay sa Los Baños Doctors Hospital ang biktimang si Ray Bernard Peñaranda, agriculture student at nakatira sa bayan ng Tanay, Rizal.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen sa bisinidad ng F. Santos Street sa Barangay Batong Malaki ganap na alauna y medya ng madaling araw.
Papauwi na ang biktima sa inuupahang apartment kasama ang kaniyang kaibigan nang harangin ng motorcycle-riding holdaper paglabas ng campus.
Sinasabing pumalag ang biktima kaya sinaksak ito ng isa sa dalawang holdaper habang nakatakbo naman ang kaklase nito para humingi ng tulong.
Samantala, ipinag-utos ni P/Chief Supt. James Andres Melad ang pagsibak sa puwesto ng hepe ng pulisya sa Los Baños na si P/Supt. Dante Novicio dahil sa sinasabing magkasunod na krimen sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending