Bading bawal sa Puerto Galera
MANILA, Philippines - Posibleng humina ang turismo sa Puerto Galera dahil sa sinasabing pagbabawal ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang pagpasok ng mga baklang performer sa KTV at videoke bar.
Ito ang hinaing ng mga bar owner sa Puerto Galera, kung saan marami anyang mga Pinoy ang mawawalan ng trabaho dahil mababawasan na ang kinikita sa kanilang negosyo.
Sa pahayag ni Milito Bellisario, manager ng Mikko’s Bar, tanging ang mga performer na bading ang kinagigiliwan ng mga turista sa Puerto Galera kung kaya sa sandaling alisin ito ng lokal na pamahalaan ay maaaring humina ang turismo.
Sinabi ni Bellisario, noong 2011 pa aniya sinimulang ipagbawal ang pagpasok ng mga baklang performer dahil sa sinasabing malaswa ang mga salitang ginagamit sa mga stand-up comedy.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Chairman Genaro Bonquin ng Barangay San Isidro na walang ordinansa na ipinasa ang konseho na nagbabawal sa pagpe-perform ng mga bakla, sa halip ay nakiusap lang aniya sila na huwag maging malaswa sa pananalita sa pagtatanghal.
Sa kasalukuyan ay gumagawa na ng ordinansa na nasa 2nd reading na, na nagbibigay pahintulot sa mga bar na magdaos ng party hanggang alas-2 lamang ng madaling-araw.
- Latest
- Trending