PNP colonel, 2 pulis sabit sa kidnap-slay ng Tsinay
MANILA, Philippines - Tatlong pulis kabilang ang PNP colonel ang iniimbestigahan ng PNP-Anti Kidnapping Group matapos sumabit sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Filipino Chinese na natagpuan sa oil bunker ang bangkay sa bayan ng San Pedro, Laguna noong nakalipas na linggo.
Kinilala ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang mga suspek na sina P/Supt. Rommel Miranda, deputy chief of the Communication and Electronics Service sa Police Regional Office 7 sa Cebu City; PO1 Otelio Santos Jr. at PO1 Jifford Signap na kapwa nakatalaga sa bayan ng San Pedro PNP sa Laguna.
Lumilitaw na ang mga suspek ay may kinalaman sa pagdukot at pagpatay kay Lea Angeles Ng na narekober ang bangkay sa bodega sa San Pedro noong Pebrero 23.
Sina PO1 Santos at PO1 Signap ay kapwa absence without official leave (AWOL) habang si Col. Miranda ay isasailalim sa restrictive custody sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame upang iharap sa imbestigasyon ng PNP at maging sa korte kung saan ang kasong administratibo ay hahawakan ng PNP-AKG, Directorate for Investigation and Detective Management.
Nabatid na ang dalawang bagitong pulis at ang nasakoteng kidnaper na si Reginal Santiago ay nakita sa CCTV footages na lulan ng abuhing Toyota Prado (JUS 77) ni Ng na inabandona sa parking lot ng Walter Mart sa Carmona, Cavite.
“As we speak, AKG investigators assisted by forensic examiners are conducting further investigation to unearth more evidence to ensure successful prosecution of the case,” ani Cruz na ipinaabot ang pakikidalamhati sa naulilang pamilya ng biktima.
Magugunita na ang biktima ay dinukot noong Enero 20 sa isang mall sa Quezon City at itinago sa San Pedro, Laguna.
Si Santiago ang naging susi ng mga imbestigador ng PNP-AKG upang marekober ang bangkay ng biktima na pinaslang dahil walang maibayad na ransom.
- Latest
- Trending