Bunso pinabulagta ni kuya

BULACAN, Philippines - Dahil sa pagsaway sa mga nag-iinumang kapitbahay ay napatay sa saksak ang 40-anyos na lalaki ng kanyang kuya na sinasabing lango sa alak kamaka­lawa ng gabi sa bayan ng Hagonoy, Bulacan.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktimang si Vic Mario Cervantes habang nasakote naman ang suspek na si Pablo Cervantes ,47, kap­wa nakatira sa Barangay Carillo sa nasabing bayan.

Sa ulat ni PO3 Jayson Salvador, lumilitaw na nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigang kapitbahay sa bakuran ng kanilang bahay nang mapalakas ang boses nito habang nakikipag-usap.

Agad namang nilapitan ng biktima ang maingay na kuya para sawayin ngunit minasama ng suspek kaya nauwi sa komprontasyon.

Dito na sinaksak ang biktima ng kanyang utol dahil sa inabot na kahihiyan sa mga kainuman habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments