CAMARINES NORTE, Philippines - Dalawang rebeldeng New People’s Army at ang mag-utol na batang lalaki ang iniulat na napaslang matapos sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at grupo ng mga rebelde sa liblib na bahagi ng Barangay Malaya sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Major Angelo Guzman, tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, lumilitaw na nangangalap ng revolutionary tax ang grupo ng mga rebelde nang makasagupa ng tropa ng 49th Infantry Battalion.
Kabilang sa mga napatay na rebelde ay sina Rafael “Ka Gopi” Llanto, vice commander ng regional Guerilla Unit sa Kabikulan Bikol; Benjamin Manzera, 54; at ang mag-utol na Michael, 10; at Richard Manzera, 7, kapwa anak ni Benjamin.
Kasalukuyan namang ginagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital ang nakatatandang kapatid na si Leoniza Manzera, 14, nagtamo ng tama ng bala sa braso.
Narekober sa encounter site ang dalawang matataas na kalibreng baril kung saan wala namang napaulat na may nasugatan o nasawi sa panig ng militar.
Ikinalungkot naman at nagpaabot ng pakikiramay si Major General Josue S Gaverza Jr, commander ng 9th Infantry Division sa pamilya ng mag-utol na bata.
“I have also directed the conduct of an investigation as part of our SOP to determine possible lapses that may have been committed by our troops in the said incident,” dagdag pa ni Gaverza. Francis Elevado at Ed Casulla